6 Septyembre 2006
Sa tutoo lang, sandali pa lamang ang pagsasama ko sa Sugarfree. Oo nga, naging estudyante ko si Ebe, ngunit hindi kami noon naguusap tungkol sa kanyang banda. Una ko lang nalaman ang banda mula kay Raimund Marasigan. Naikwento niya nung taong 2000 na masaya silang panuurin sa gig, at malakas sila sa mga fans. Balang araw, sisikat sila na parang Eraserheads. Nung 2003, nakita ko ang video ng Mariposa. Napabilib ako sa musika, at sa video. At nangyari nga ang sinabi ni Raimund, naging napakapopular nila.
Nung kalagitnaan ng 2005, kinuwento ni Raimund sa akin na may plano nang mag-record uli ang Sugarfree. Dahil si Raimund at Buddy ang nag prodyus ng "Dramamachine", kukunin sana sila ulit. Ngunit bising-bisi sila nung panahong 'yon, kaya't pinayo ni Raimund na halungkatin nila ako sa UP para tumulong sa kanila. Kung kaya, maaga pa lang, alam kong may balak tawagin ako ni Ebe.
Matagal ang lumipas bago makipagkita sa akin si Ebe. Sa isang gig ni Dong Abay noong patapos na kami sa album na "Flipino" nung Marso 2006, kinuwento ni Ebe na 2005 pa sana ang deadline ng album ng Sugarfree, pero hindi niya ito masimulan. Sobra ang pagod niya sa dami ng gig at iba't ibang trabaho, at parang "burnout" na siya. Isa pa, ang mga naumpisahan niyang kanta ay kahawig ng mga dating kanta, at parang inuulit lang niya ang sarili niya. Ang payo namin ni Dong ay gumawa siya ng panahon para 1) makapagsarili muna siya na walang manggugulo sa pagiisip niya, at 2) lumayo siya na mga parating pinupuntahan niyang lugar, para magkaroon ng bagong pananaw at kwento.
Sa wakas, nung Agosto ng 2006, binisita ako ng Ebe, dala niya ang isang demo CD na may labing-tatlong bagong kanta. Ayon sa kanya, nagkulong siya sa isang condo ng buong Hulyo para mabuo niya ang mga kanta. Sinimulan na rin niyang ituro sa banda ang mga kanta. Pinakinggan ko ang demo ng isang linggo, tapos sumulat ako ng mga mahabang kritikal na rebyu tungkol sa mga kanta. Sa akin, ito ang simula ng pagkasali ko sa proyekto. Nag-attend ako ng mga ensayo nila, at pinanood ko sila sa ilang gig para makilala ko ang kanilang kakayahan, at estilo ng pagtugtog. Sumali rin ako sa e-group ng banda, para malaman ang mga katangian na hinahanap at hanahangaan ng mga fans sa banda. Natutuwa ako sa lalim ng suporta ng mga fans sa kanila.
Hindi tumagal at sinimulan ko ang negosasyon sa EMI. Nakilala ko si Chris Sy, ang managing director ng kumpanya, at ang ibang tumutulong sa banda tulad to Monch Bontogon. Madali kaming nagkasundo sa budget, dahil buo ang suporta ng EMI sa banda. Nakipag-usap na rin ako sa studio para sa iskedul. 2001 ang huling pagtatagpo namin ni Angie Rosul sa Tracks studyo. Matagal kong nakasama si Angie sa pagrecord ng Eraserheads, kung kaya naging reunion ang pagkikita namin. Naging malalim ang pag-uusap tungkol sa karanasan niya sa banda, at sa mga balak kong gawin sa bagong album.
Unang araw namin ngayon sa studyo. Bagama't sandali pa lang ang pagsasama ko sa Sugarfree, pero parang kampanteng-kampante na ako sa kanila. Matagal at maselan ang trabahong hinaharap namin, subali't buo ang loob ko na maganda ang magiging resulta.